Ano ang estado ng kalusugang kaisipan sa Pilipinas?
Lahat ng tao sa mundo ay may kalusugang kaisipan. Ngunit sa Pilipinas, limitado ang serbisyo para rito at talamak pa rin ang stigma laban dito. Kaya naman maraming mamamayan ang dumaranas ng isyu nang hindi naaagapan. Ayon sa World Health Organization, "At least 3.6 million Filipinos suffer from one kind of mental, neurological, and substance use (MNS) disorder."
Ilan sa mga pinakamaraming kaso sa Pilipinas ang schizophrenia, bipolar disorder, major depressive disorder, dementia, epilepsy, at alcohol and drug abuse. Kaakibat nito, patuloy na tumataas ang incidence ng self-harm at suicide sa bansa. Ayon sa National Statistics Office (NSO), "Mental health illnesses rank as the third most common form of morbidity among Filipinos."
Araw-araw, hanggang 60% ng mga bumibisita sa mga primary care clinic ay tinatantyang may isa o mas marami pang MNS disorder. Subalit, kulang ang mga mental health worker na maaaring tumulong sa pagsugpo ng mga isyung ito. Sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, isinaad ng DOH Secretary na, "There is less than one mental health worker for every 100,000 Filipinos." Bukod pa rito, mayroon lamang 84 general hospital na may psychiatric units at 46 outpatient facility na rumeresponde sa mga isyu ng kalusugang kaisipan.
Nag-aambag ang mga ito sa pagbaba ng mga overall health outcome ng mga mamamayang Pilipino. Kaya naman hindi mo man ituring na malala ang iyong sitwasyon, bigyang-halaga ang self-care, matuto tungkol sa mental health, at alamin kung paano ka maaaring tulungan ng iyong pamahalaan.